Mataas na Electric Bill, idinaan sa Katuwaan

0
Mataas-na-electric-bill

Dahil sa biglaang pagtaas ng halaga ng maraming electric bill, may ilang consumer na nagbibiruan na lamang sa pagtuklas ng kanilang mga bayarin sa pamamagitan ng "bill reveal." Ngunit ang mataas na singil sa kuryente, posible raw na magpatuloy ito hanggang sa Hunyo.

Sa report ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" noong Miyerkules, ipinakita ang video ng isang consumer na unti-unting tinitignan ang halaga ng kaniyang babayaran kasabay ng mga tunog mula sa isang TV show.

Ang nasabing electric bill, umakyat sa P16,000, mula sa P11,000 na binayaran niya noong nakaraang buwan.

May ilang magkakaibigan din daw na nagpapatawa na lamang sa mataas na bayarin sa kuryente.


"Pakitaan ng resibo kung magkano, ikaw magkano. Bakit sa 'kin nararamdaman ko na doble na. Tapos tatanungin kung saan kami kukuha [ng pambayad]," natatawa pang sabi ng mga magkakaibigan mula sa Quezon City.

Dahil sa mahal na bayarin, mas popular ngayon si "judith" o due date, kaysa kay "marites" o ang ginagamit na termino para sa mga tsismosa.

"Talagang si Judith ...Hindi na si Marites, si Judith na," dagdag pa nila.

Ayon sa isang opisyal ng Philippine Rural Electric Cooperatives Inc. (PREC), hindi maaaring ipagbiro ang posibleng galit na maaaring maramdaman ng iba kapag nalaman na tataas din ang singil sa kuryente sa mga probinsya.

Sa isang survey ng grupo, 31 power cooperatives, na karamihan ay matatagpuan sa Ilocos Region at Western Visayas, ang magtataas ng kanilang singil.

"Tagapamahagi lamang sila ng kuryente, tagapangolekta, nagpapadala... ang aming pangamba ay baka hindi maintindihan ito ng mga consumer," ayon kay Janeene Colingan, PREC executive director.

May ilang electric cooperative na pinag-aaralan na raw ang pagpapataw ng utay-utay na singil sa mga customer na nahihirapan na magbayad nang buo.

Ngunit ang Meralco, hindi raw maisasagawa ang nasabing plano dahil kailangan din nilang bayaran ang kanilang mga supplier.

"Ang kuryente ay nagamit na. Sa aming kaso, postpaid ito, binabayaran muna ng mga customer bago sila gumamit," sabi ni Meralco spokesperson Joe Zadariaga.

Ang singil ngayong Mayo ay tumaas dahil umano sa nagtaas na transmission charge, buwis, at iba pang mga bayarin. Tumaas din ang generation charge, na ginagamit ng Meralco at mga electric cooperatives para makabili ng supply ng kuryente.

Ayon sa mga distributor, bumili sila nitong Abril ng kuryente mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) sa mas mataas na presyo.

Ang pagtaas ng presyo sa WESM ay dahil umano sa mga power plant na nagkaproblema kaya't nabawasan ang power supply.

Ayon sa ulat, tumaas ang bentahan ng kuryente sa mga cooperatives ng 53% sa Visayas at 11% sa Luzon. Ang dagdag sa halaga ng pagbili ay ipinapasa naman sa mga consumer.

Post a Comment

0Comments
Post a Comment (0)

#buttons=(Accept !) #days=(20)

Our website uses cookies to enhance your experience. Check Now
Accept !